Home Entertainment Byudong tatay, isinasalba ang triplets na naulila ng ina sa tulong ng...

Byudong tatay, isinasalba ang triplets na naulila ng ina sa tulong ng breast milk donors

Wala nang mas sasakit pa sa isang asawa na mawalan ng kabiyak dahil ito ay sumakabilang buhay na. Marahil triple pa ang sakit kung nangyari ito sa panahon na kailangang kailangan ninyo ang isa’t-isa.

Gaya na lang ng sinapit ng isang lalaki na nabyudo ng maaga matapos, sa hindi inaasahang pangyayari, ay binawian ng buhay ang kanyang misis isang araw pagkalipas nitong manganak.

Kilalanin si Joel Orbello Regal, ang nabyudong mister ng kanyang namayapang maybahay na si April Edlagan-Regal.

Iniluwal sa mundo ni April ang kanilang mga panganay na triplets sa gitna ng pandemya. Subalit sa kasamaang palad, ang inakala ni Joel na isa lamang sa marami pang pagdadalantao at panganganak na mararanasan ng kanyang pinakamamahal na asawa ay una’t huli na pala. Ito ay matapos yumao ng kanyang misis mismong kinabukasan pagkatapos nitong ipanganak ang kanilang tatlong munting anghel. Bunsod nito ay agad naulila ang kanyang mister at ang kanilang mga supling na sina baby Jia Aamari, Jayce Aliyah, at Jaswhi Adaliah.

Ngunit dahil sanggol pa ang triplets, batid ni Joel ang kahalagahan at matinding pangangailan ng mga ito sa gatas ng ina o breast milk dulot ng dala nitong nutrisyon na isang mahalagang papel sa paglaking malusog ng mga bata.

Pinalad naman si Joel nang magbigay daan ang social media para matugunan ang naturang pangangailan ng kanyang mga naulilang anak.

Sa pamamagitan ng kanyang Facebook post, naibahagi ng nabyudong ama ang sinapit nilang pamilya, dahilan para makarating sa kinauukulan ang hiling nitong tulong mula sa mga may mabubuting loob.

Saad nya sa isang panayam, “Nasa hospital pa lang po talaga kami, breast milk na po pinapainom namin,”

Ang kanyang biyenan at hipag ang kanyang mga naging katuwang sa pag-aalaga ng triplets.

Ayon pa kay Joel, “Sa totoo lang po, takot ako na breast milk ‘yun ipainum sa kanila kasi nga po may COVID pa. Di ko alam kung safe ba para sa mga anak ko. Pero nagtanong naman po ako sa doktor, na hindi naman daw po basta na contaminate ang gatas ng nanay, kaya pinatuloy ko na po.”

Ngunit kapag nauubos umano ang supply ng breast milk galing sa donors ay pinapadede nya pa rin niya ng formula milk ang mga anak. Ito ay sa kadahilanang taga-Laguna pa silang mag-anak kaya naman kailangan niya munang i-schedule ang pickup ng mga breast milk donations.

Labis-labis raw ang pasalamat ni Joel sa ibang donors na hindi lang gatas ang binibigay kundi “material at financial” donations na rin umano.

“Almost 3 months na po mga anak ko at kita ko naman sa katawan nila na masigla sila at hindi sakitin. ‘Yun maraming nagsasabi, nagpapayo na iba ang sustansya naibibigay ng gatas ng nanay.” ani Joel.

“Bagay naman po na pinaniniwalaan ko, and kita naman po talaga sa kanila ‘yun sigla at lakas ng katawan.” saad pa nya.


GONE TOO SOON

Ika ni Joel sa isa nyang Facebook post, “Ang bilis ng pangyayari.”

Aniya, pumanaw ang kanyang misis dahil sa “acute respiratory failure.”

“Malaki po ‘yun sakripisyo ng asawa ko. Minahal at inaalagan po mabuti ng asawa ko ang mga anak ko no’n nasa t’yan pa lang sila.

“Kaya bilang tatay na lang nila, kahit mahirap, pipilitin kung kayanin at maging matatag sa kabila ng lahat. Katuwang ko po sa pag-aalaga ang aking biyenan at kapatid ng aking asawa.

“Mahirap po ang bigat sa pakiramdam, especially po no’n unang pagkakataon na babalik na ‘ko sa trabaho. Hindi ko talaga mapigilan lumuha habang nagda-drive paalis.

“‘Yun pakiramdam na gusto mo lang na lagi sila kasama kasi sila ‘yun dahilan kaya nakukuha ko pa ngumiti. ‘Yun mabuhat ko sila at mahalikan, gumagaan pakiramdam ko pero kaylangan umalis at magtrabaho para sa kanila.”

Sa darating na June 19, ipagdiriwang ni Joel ang Father’s Day.

Kaugnay ng pagdiriwang na ito, aniya masaya na syang makita ang mga triplets, mabuhat at makasama sila.

March 20, 2021 isinilang ng asawa ni Joel ang mga bata at ikalawang Father’s Day nya na ngayong taon bilang isang byudong ama.